Search

Mga Maute: May land mines na, may P250M shabu pa 'pampalakas'

Ipinakita ng militar sa isang press briefing ang retrato ng kilo-kilong shabu na nakuha sa isang bahay sa Marawi. Hunyo 18, 2017

Droga sa kuta, pinaghihinalaang 'pampalakas' sa laban ng Maute

Narekober ang nasa P250 milyong halaga ng shabu sa isang bahay na pinagkutaan umano ng Maute sa Marawi. Paniwala ng mga awtoridad, gumagamit ng droga ang mga terorista para hindi umano manghina sa labanan.

Isang buwan mula nang pumutok ang gulo sa Marawi City, ayaw pa ring umatras o sumuko ng Maute group sa pakikipagsagupa sa mga tropa ng gobyerno.


Bukod sa snipers, gumagamit na rin ngayon ang mga terorista ng land mines o mga pasabog na nakaplanta sa lupa.

Kahapon, Hunyo 18, tatlong sundalo pa ang dumagdag sa bilang ng mga nasawi sa bakbakan.

Dalawang sundalo mula sa Philippine Marines 5th Battalion ang namatay matapos paulanan ng bala ng mga kalaban habang sinusubukan ng mga sundalong madistrongka ang mga bomba sa land mine.

Bunsod ng pamamaril, sumabog din ang land mine. Nagtamo ng mga tama ng shrapnel at bala ang dalawang sundalo.

Sa hiwalay pang engkuwentro, patay ang isa pang sundalo mula naman sa 51st Infantry Brigade ng Philippine Army. Limang kasamahan niya ang sugatan din sa bakbakan, kabilang ang isang malubha ngayon ang lagay.

Kuwento ng isa sa mga sugatang sundalo, pinasok nila ang isang gusali para makapuwesto nang biglang asintahin sila ng mga sniper ng kalaban mula sa iba’t ibang direksiyon.

"Nakapasok iyong iba, dahan-dahan, pero niraratrat kami galing taas na,” anang sundalo. Ang kalaban, mayroon sa ground floor, first floor, third floor. Nung napasok namin, may KIA (killed in action) na sa’min isa, ginapang namin."

11 kilo ng shabu, armas, ISIS flag, nasabat sa isang bahay


Nasabat ng Joint Task Force Marawi ang 11 kilo ng shabu, matataas na kalibre ng baril, at watawat ng ISIS sa isang bahay sa lungsod.

Read more: AFP snipers vs ISIS snipers

Pinoproseso na ng pulisya ang drogang tinatayang aabot sa P250 milyon ang halaga. Inaalam na rin kung sinong may-ari ng bahay at ang posibleng kaugnayan niya sa mga terorista.

Paniwala ni Capt. Eric Estrevillo ng 49th Infantry Brigade, gumagamit ng droga ang Maute na nagkuta umano sa bahay kung saan nadiskubre ang mga kontrabando.

"Iyon talaga pinagposisyonan nila, then ito (shabu) ginagamit nila para mapatagal sa labanan, para magtagal sila sa labanan, para gising sila," ani Estrevillo.

Ayon pa sa militar, nakakarekober sila ng ilang fuel bomb o pampasabog na ginagamit ding panunog ng mga kalaban para hindi agad makaabante ang mga sundalo dahil sa mga nagliliyab na bahay at gusali.

Base sa hawak na bilang ni Joint Task Force Marawi Spokesman Lt. Col. Jo-ar Herrera, umakyat sa 62 ang nasawi mula sa hanay ng gobyerno. Hindi naman daw bababa sa 257 ang mga teroristang napatay at mahigit 200 armas nila ang nakuha.

Sa ngayon, nananatili pa sa apat na barangay ang Maute na hindi na raw lalabis sa 120 ang natitirang buhay na miyembro. Gumamit din daw ng ‘drone’ ang mga kalaban noong unang dalawang linggo ng bakbakan, pero hindi na raw ito nagagamit ngayon ng Maute.

[Source: Ron Gagalac]

No comments:

Post a Comment