Exclusive: Matobato, sumuko sa MPD, may perang pang piyansa sa kaso



Matapos ilabas ang warrant of arrest, sumuko na sa awtoridad si Edgar Matobato nitong Huwebes, ika-9 ng Marso.

SI Matobato ay nahaharap sa kasong ‘frustrated homicide’ na may kaugnayan sa tangkang pagpatay kay dating Department of Agrarian Reform (DAR) adjudicator Abeto Salcedo Jr. noong Oktubre 23, 2014. Ang kaso ay isinampa ng Department of Justice (DOJ) nitong Enero lamang.

Nagbayad din si Matobato, ang self-confessed killer na miyembro umano ng Davao Death Squad, ng P200,000 na piyansa para sa kaniyang pansamantalang kalayaan.

Sumuko si Matobato sa Manila Police District (MPD) ilang araw matapos ilabas ni Judge Carmelita Davin ng Digos City Regional Trial Court (RTC) Branch 19 ang arrest warrant laban sa kaniya.


Samantala, ang kasamahang akusado ni Matobato na si si Atty. Norberto Sinsona, dating abogado ng DAR at sinasabing mastermind sa krimen, ay hindi pa rin sumusuko.

Ayon sa salaysay ni Salcedo, binaril siya ni Matobato nang ilang beses habang siya’y papalabas ng kaniyang opisina sa lungsod ng Digos kung saan siya dating nakadestino.

Hinala ng biktima, may kaugnayan sa kaniyang trabaho ang pagtangka sa kaniyang buhay.

Nakilala umano ni Salcedo si Matobato matapos itong lumabas sa telebisyon habang ginagawa ang pagdinig sa Senado noong Setyembre ng nakaraang taon.
FIRST ON NEWS5 | Edgar Matobato, sumuko sa MPD para magpiyansa sa kasong frustrated murder | via Romel M. Lopez
Posted by News5 on Wednesday, March 8, 2017
Share on Google Plus

Loading...


0 comments:

Post a Comment